Coal-free ASEAN, isinusulong ng ilang grupong maka-kalikasan

(Eagle News) — Pinakahahangad ng maraming mga Pilipino na magkaroon ng malinis na bansa at malusog na mamamayan. Naniniwala sila na kapag nawala ang mga coal plant sa bansa ay makakamit nila ang  hangaring nabanggit.

Kaugnay nito,  isinusulong ng ilang grupo ang paggamit ng renewable energy at maging coal-free ang mga bansang kasapi sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN.

“People’s Challenge: Coal Free ASEAN” ito ang kanilang battle cry sa nalalapit na pagdadaos ng 50th anniversary ng ASEAN kung saan host ang Pilipinas.

Ayon kay Gerry Arances, Convenor ng Center for Energy, Ecology and Development o EED, matagal nang usapin ang tungkol sa renewable energy at pagpapasara ng mga coal plant sa bansa.

Binibigyang diin sa mga usaping nabanggit ang  malaking pinsalang  idinudulot ng mga coal plant hindi lang sa kapaligiran kundi maging sa kalusugan ng mamamayan.

Sa panig naman ni Atty. Aaron Pedrosa  Secretary-General, Sanlakas, maging ang Pangulong Rodrigo Duterte ay pabor umano sa pagpapasara ng mga coal plant at paggamit ng renewable energy.

Ayon kay Pedrosa, noong nangangampanya si Duterte ay nanawagan ang Pangulo sa pagpapasara ng mga coal plant  at iba pang planta ng kuryente na gumagamit ng mapanganib na fuel.

Bukod dito, umapela pa umano ang pangulo para sa mas maraming mamumuhunan sa renewable energy, tulad ng solar, wind, hydro, geothermal at biomass.

Nangangamba naman ang maraming mga kababayan natin na kung sakaling ang mga coal plant sa bansa ay maipasara, ay hindi pa batid ang maaaring ipalit dito.

Aminado rin ang mga naturang environment advocate na may malaking problema na kinakaharap ang katulad nila dahil sa constraint sa Energy Policy ng bansa, na ito umano ang pumipigil upang maipatupad ang paggamit ng renewable energy.

Related Post

This website uses cookies.