PALAWAN, Philippines (Eagle News) — Nagsagawa ng coastal clean-up ang Palawan Bantay Turista Office sa Port Barton, San Vicente na ginanap noong Hulyo taong kasalukuyan. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, (PDRRMO), Palawan Rescue 165 at ng komunidad nito.
Layunin ng ganitong programa na makatulong sa mga residente ng Port Barton na mapangalagaan at mapanatiling malinis ang kanilang baybaying-dagat. Gayundin, upang lalong mahikayat ang bawat isa na ipagpatuloy ang regular na pagsasagawa ng coastal clean-up drive sa nasabing lugar.
Layon din ng mga nag-organisa na maitaas ang kamalayan ng mga naninirahan sa nasabing lugar upang lalo nilang pangalagaan ang kapaligiran lalo na’t ito ay isang major tourist attraction sa kanilang lugar.
Ayon kay G. Gilbert S. Baaco, PDRRMO Head at Program Manager, gusto nilang makatulong sa pamayanan upang lalong mapanatili ang kalinisan hindi lamang ang baybaying-dagat kundi pati ang karagatan nito kung saan ang mga magkakalapit na mga isla sa Port Barton ay ang ilan sa mga paboritong puntahan o dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista. Nais din aniya niyang maiwasan ang anumang banta ng sakit na maaaring idulot sa mga turista at sa mga residente nito.
Ayon inisyal na impormasyon na ibinigay ng ilang mga residente at nagmammay-ari ng tourism establishments sa nasabing lugar, kanilang napananatili ang dami o taas ng tourist arrival sa lugar kung kaya’t nararapat na pagtuunan ang aspetong kaligtasan at seguridad lalo’t higit ang pangkalusugan ng mga turista at ng buong komunidad.
Napag-alaman din mula kay Gng. Roselee B. Buenconsejo, Program Coordinator at PDRRMO for Media and Training na ito ang kauna-unahang coastal clean-up na isasagawa sa naturang lugar. Dagdag pa nito na may planong magtayo ng Bantay Turista Desk sa nasabing lugar maliban sa tanggapan na ilalagay sa mismong bayan ng San Vicente. Ito ay upang lalong mabigyan ng sapat na panahon at mapag-aralan ang isinagawang initial tourism risk assessment ng tanggapan sa nasabing lugar.
Matatandaan na ang isla, ganundin ang mga baybayin at karagatan ng Port Barton ang isa sa maituturing na magandang atraksyon na ipinagmamalaki ng mga residente nito. Ang Palawan Bantay Turista ay isang espesyal na programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa ilalim ng pamumuno ni Gob. Jose Ch. Alvarez na nakatuon sa Tourism Risk Management.
Courtesy: Joel Marquez – Palawan Courtesy