(Eagle News) — Kinakitaan ng justice department ng paglabag sa election protocol ang tauhan ng Smartmatic at Commission on Elections (Comelec) dahil sa pagpapalit ng script sa transparency server noong gabi ng May 9 ng nakaraang halalan.
Matapos kakitaan ng probable cause ng Department of Justice panel ang petition for review na isinumite ni Former Abakada Partylist Rep Jonathan Dela Cruz, ini-utos nito na sampahan ng kasong paglabag sa Section 4 ng Cyber Crime Prevention Act ang head ng technical support team ng Smartmatic na si Marlon Garcia kasama sina Neil Baniqued at Mauricio Herrera.
Kasama sa pinakakasuhan ng DOJ ang Comelec information technology expert na si Rouie Peñalba, Nelson Herrera at Frances Mae Gonzales.
Prision mayor o anim hanggang labindalawang taong pagkakakulong ang maaring maging hatol sa mga respondent sa oras na mapatunayan ang kanilang pagkakamali.
Matatandaang noong Septyembre 28, 2016, ibinasura ng Manila Prosecutors Office ang kasong kriminal na unang inihain ng kampo ni Dela Cruz laban sa tauhan ng Comelec at Smartmatic dahil wala naman daw intesyon ang mga ito na magsagawa ng pandaraya sa nakaraang halalan.
Paglabag
Pero sabi ng Atty. Amor Amorado, legal counsel ng dating kongresista, ang ginawa ng mga taga Smartmatic at Comelec na pagpapalit ng script nang walang pahintulot ng Comelec En Banc ay paglabag sa Automated Election System.
Kaya aniya, upang matiyak na gugulong ng patas ang pagdinig, hihilingin nila sa DOJ na magtalaga ng special prosecutor na dirinig sa kanilang kaso
Naniniwala naman si Atty. Amorado na malaki ang magiging epekto sa electoral protest ni dating Senador Ferdinand “Bong-bong” Marcos ang magiging resulta ng kanilang isinampang kaso.
Aniya, magbibigay ito ng isa pang batayan na may naganap ngang dayaan sa nakalipas na halalan.
(Eagle News Service Erwin Temperante)