By Sophia Okut
QUEZON City, Philippines — Ikinokonsidera ng Commission On Elections o COMELEC ang pagbibigay ng resibo para sa overseas absentee voters. Habang nananatili namang hindi pabor sa pagbibigay nito sa local voters dahil sa limitadong oras.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, isa sa kanilang pinag-usapan ay ang posibilidad na magkaroon ng resibo para sa overseas voters dahil 30 days ang kanilang pagboto, at mas kaunti ang boboto.
Nasa mahigit 1.1 milyong Pilipinong botante ang makikilahok sa overseas absentee voting na magtatagal ng isang buwan na magsisimula sa Abril 9.
Ayon kay Bautista ang pagbibigay ng resibo ay kahayagan ng transparency sa gagawing halalan, pero mahirap aniyang gawin ito sa loob lamang ng isang araw na sabayang National at Local elections.
Dagdag pa na mas magpapatagal pa ito ng lima hanggang pitong oras sa proseso ng eleksyon.
Binigyang diin din nito ang pangambang magamit sa vote-buying o vote selling ang pagbibigay ng resibo.
Kahit gawin pa anyang 7 pm ang botohan ay hindi pa rin kakayanin.
Itinatakda ng batas at omnibus election code ang pagkakaroon ng Voter Verification Paper Audit (VVPAT) na isa sa apat na security features.
Ang VVPAT ay pruweba na matagumpay na nabasa ng vote counting machine ang kanilang mga balota, isa na dito ang printed receipt.
Una nang inanunsyo ng COMELEC na hindi maglalabas ng resibo ang mga machine habang pinag- uusapan pa ng poll body ang pagkakaroon ng onscreen verification feature.
Hiniling na rin ng election watchdogs at ilang mambabatas sa COMELEC na i-rekonsidera ang desisyon.
Nitong lunes lamang, nagpasaklolo na sa Korte Suprema ang may akda ng automated election law na si dating Senador Richard Gordon na himukin ang COMELEC na baliktarin ang desisyon sa pagbibigay ng resibo.
Ipinasakamay naman ng COMELEC sa Korte Suprema ang desiyon ukol dito.