Commercial building sa Sampaloc, Maynila nasunog

Ni Earlo Bringas
Eagle News Service

MAYNILA, Metro Manila (Eagle News) – Nilamon ng apoy ang apat na palapag na gusali sa Maynila nitong Miyerkules, Setyembre 5.

Sa sobrang kapal ng usok na lumalabas sa gusali sa Claro M. Recto pasado alas nuebe ng gabi isinara muna ng mga otoridad ang kalsada sa lugar sa mga motorista.

Mabilis namang nakaresponde ang mga bumbero.

“Ang sunog ay nag-ooriginate dito sa baba, sa first floor. Ang difficult dito ay medyo malalim kasi ito, tapos walang malabasan ng usok. That’s why ang lahat ng mga usok ay dito lumalabas sa harapan,” pahayag ni Senior Supt. Jonas Silvano, city fire marshal.

Sa bilis ng pagkalat ng apoy kaagad itong inakyat sa ikatlong alarma.

Tila nanlumo naman ang mga may-ari ng mga stalls sa gusali dahil sunog na sunog ang lahat ng mga paninda na nasa loob nito at hindi na mapapakinabangan pa.

Pagdating ng hatinggabi muli nananamang kumapal ang usok sa loob ng nasusunog na gusali. Naging pahirapan na sa mga bumbero ang pag aapula sa apoy.

Inabot na ng umaga bago naapula ang apoy sa gusali.

Ina-assess na ng Bureau of Fire Protection ang naging halaga ng pinsala sa sunog at kung ano ang pinagmulan ng apoy.

 

https://www.youtube.com/watch?v=HiCKk_1dvI0&feature=youtu.be