ILOILO CITY – Dapat na umanong tuparin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangako nito sa nagdaang kampanya nito na pawawalan na ang mga political prisoner ayon sa isang consultant ng National Democratic Front of the Philippines o NDFP.
Ayon kay Maria Concepcion “Concha” Araneta-Bocala, consultant ng NDFP sa Visayas at isa sa 19 na consultants ng samahan na pinalaya noong Agosto kaugnay ng nagpapatuloy na peace talks, nasa 430 na political prisoners pa ang dapat aniyang pawalan.
Dagdag pa nito, nangako aniya ang pangulo noong panahon ng kampaniya subalit nasaan na umano ang katuparan nito.
Sa kabila nito, matatandaang nais ng gobyerno na malagdaan muna ang bilateral ceasfire agreement bago palayain ang mga political prisoner subalit idiniriin naman ni Bocala na batay aniya sa katarungan ang pagpapalaya sa mga political prisoner at nabigo umano ang gobyerno na bigyan ng general amnesty ang mga nabanggit.
Matatandaang nadakip si Bocala ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group at ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army noong Agosto 1, 2015 sa Barangay Calumpang, Molo district at pinalaya naman noong Agosto 16 ng kasalukuyang taon upang dumalo sa peace talks na ginanap sa Oslo, Norway noon namang Agosto 20.