(Eagle News) — Paiiralin ng gobyerno sa Cordillera Administrative Region (CAR) ang sistemang ipinatupad sa Boracay para sa mga mawawalan ng trabaho na small-scale miners.
Sa press briefing na isinagawa sa Malacañang, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na kabisado na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang sistema kaya hindi na mahihirapan sa pagbibigay ng emergency employment sa mga mawawalan ng trabaho sa CAR.
Hindi naman masabi ni Roque kung hanggang kailan ipatutupad ni DENR Secretary Roy Cimatu ang moratorium sa lahat ng small scale mining operations sa CAR dahil sa naganap na madugong landslide sa Itogon, Benguet sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Ompong na ikinamatay ng maraming minero.
Ayon kay Roque, ang importante ay wala munang mining operation para mabigyan ng pagkakataon ang Cordillera Mountains na makarekober sa sinapit na matinding pinsala dahil sa dami ng mga naghuhukay na small scale mining operators.
Inihayag din ni Roque na habang walang hanap-buhay ang mga small scale miner, susuportahan sila ng gobyerno sa pamamagitan ng Cash for Work Program.
Kabilang sa alok na trabaho ng gobyerno sa mga minero ay ang vegetable farming o pagtatanim ng mga gulay at punong-kahoy na makatutulong para maging stable ang lupa sa mga bulubundukin ng Cordillera.
Sa ngayon ay kinukuha na ng DSWD ang mga pangalan ng mga apektadong small scale miners para maisali sa Cash for Work Program at Emergency Employment Program ng gobyerno.