(Eagle News) – Nagsisimula na raw maging global pandemic ang 2019 novel coronavirus disease (COVID-19) na kumakalat sa iba’t ibang panig ng mundo, ayon kay Singapore Minister for National Development Lawrence Wong.
Mabilis ang pagkalat ng virus sa iba’t ibang mga bansa kabilang ang Europa at North America nitong mga nagdaang araw.
Hindi pa itinuturing ng World Health Organization (WHO) sa kategoryang “pandemic” ang kasalukuyang sitwasyon pero sinabing gagamitin ng United Nations agency ang termino sakaling kailanganin.
Samantala. kinumpirma naman ng Switzerland ang unang pasyente nito na nasawi dahil sa COVID-19. Ayon sa mga opisyal, ang pasyente ay 74 taong gulang at na-ospital sa Western City ng Lausanne. Nakaranas din ang pasyente ng pre-existing chronic illness at kinunsiderang “high risk” mula sa virus.
Nitong Biyernes, sinuspinde ng Switzerland ang lahat ng events nito na may mahigit 1,000 participants hanggang Marso 15 kabilang ang Geneva International Motor Show.