(Eagle News) — Pinagbabawalan na ang mga menor de edad na gumala pa sa mga lansangan sa dis-oras ng gabi sa Makati City.
Ayon sa ordinansang nilagdaan ni Makati Mayor Abby Binay, magpapatupad na ng curfew sa mga may edad na disi-ocho anyos pababa at higit sa disi-ocho anyos na hindi kayang alagaan ang kanilang sarili.
Sa ilalim ng nilagdaang City Ordinance No. 2017-098 o “The Child Protection Ordinance of the City of Makati,” hindi na maaring lumabas ng kanilang tahanan ang mga kabataan mula alas-dyes ng gabi (10:00 PM) hanggang alas-kwatro ng umaga (4:00 AM).
Ang nasabing ordinansa ay hangad na ma-ingatan ang mga kabataan at mailigitas sa kapahamakan.
Maaaring anyayahan ang mga magulang na dumalo sa isang parenting seminar sa unang paglabag.
Sa ikalawang paglabag ay magbabayad ng dalawang libong piso (Php 2,000) o kaya naman ay makulong ng hanggang sa limang araw, depende sa desisyon ng korte.