(Eagle News)- Pinag-aaralan ngayon ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad ng paglalagay ng suggested retail prices o SRPs sa mga pangunahing produktong agrikultural.
Ayon kay Agriculture Undersecretary Ariel Cayanan, ang paglalagay ng SRPs sa mga nasabing produkto ay pinagsamang inisyatiba ni Trade Secretary Ramon Lopez at ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol.
Layunin ng inisyatibang ito na protektahan ang mga mamimili laban sa mga nagpapatubo at sa mga negosyanteng nagtataas ng labis sa mga presyo ng gulay, karne, prutas, at iba pa na di umano’y bunga ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion law o ang TRAIN law.
Tatalakayin naman ngayong araw ang tungkol sa pagpapalawig ng SRPs sa iba pang mga produktong pang agrikultura.
Kung sakali mang pagtibayin ang panukala, lalagyan na ng SRPs ang ilang mga pangunahing bilihin sa loob lamang ng tatlong buwan.
Samantala, ayon kay Lopez tuloy-tuloy ang ginagawang pagsubaybay ng DTI sa mga presyo ng bilihin sa merkado.
Plano kasi nilang dagdagan pa ng 200 ang 400 tindahan na kanilang tinututukan.
“Bilang aming pagsang-ayon sa pangakong pagsunod sa direktiba ni Pangulong Duterte, sinabi namin na aming palalakasin pa ang mga isinasagawa naming pagsubaybay sa lahat ng mga pangunahing pamilihan. Mula sa 400 tindahan na aming saklaw sa Metro Manila, ito ay amin pang palalaguin hanggang sa 600,” pahayag ni Lopez.
Dagdag pa nito na batay sa kanilang ginagawang pagmo-monitor, ang mga establisimyento na binisita ng DTI ay 100 porsyentong sumusunod sa mga itinakdang presyo ng ahensya. Jodi Bustos
(Photos mula sa Department of Trade and Industry)