Dagdag na Php50 milyon para sa Mayon evacuees, ibinigay na

ALBAY, Philippines (Eagle News) — Hawak na ng provincial government ang karagdagang P50 milyon na pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos magbigay ng P20 milyon noong dumalaw ang Pangulo sa probinsiya.

Bagama’t binigyan pansin ng Pangulo ang kalinisan sa pagkain at kalusugan ng mga nasa evacuation center, ipinauubaya na ng Pangulo sa probinsiya ng Albay kung saan gagamitin ang ipinagkalob na karagdagang pondo.

Ayon naman kay Governor Al Francis Bichara, nakalaan sa pagkain ang tulong na ipinaabot ng Office of the President.

Halos 85,000 individual na ang nasa evacuation area bunsod ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Isa sa kanilang nakikitang problema kung hahaba pa ang araw ng mga evacuees sa evacuation center baka kapusin aniya sila ng supply ng pagkain.

Gayunpaman kung tuluyan nang tatahimik ang bulkan at magbababa na ng alerto ang Philippine Institute for Volcanology and Seismology, maaari nang pabalikin ang mga residenteng nasa 8 hanggang 9 km danger zone area.

Sa tala ng provincial government ng Albay mula unang araw ng pag-aalburoto ng Mayon hanggang sa kasalukuyan, nakatanggap na ito ng 27.9 million pesos na tulong mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno kasama na ang private donors.

Nakikipag- ugnayan na rin aniya sila sa international community upang makapagpadala ng tulong kung sakaling kanilang kailanganin.

(Erwin Temperante, Eagle News)

https://youtu.be/S27Q6Br8FUE