(Eagle News) — Hindi na makatarungan ang nais mangyari ng Manila Water Corporation at Maynilad na ipasa sa publiko ang buwis na dapat ay sila ang nagbabayad.
Ito ang sinabi ni Bayan Muna Partylist Rep. Neri Colmenares kaugnay sa sinasabi ng Department of Finance (DOF) na kailangang aksyunan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang hiling ng dalawang water concessionaire gaya ng isinasaad sa kontrata.
Nangangahulugan aniya na hindi bababa sa P300 ang magiging bill ng isang karaniwang konsumer ng dalawang water conssesionaire sa Metro Manila.
Dahil dito, nagsumite ng petition for certiorari o judicial review sa Korte Suprema ang grupo upang pigilan sina Pangulong Aquino at Finance Secretary Cesar Purisima na maglalaan ng mahigit P80 bilyon mula sa kaban ng bayan para lamang bayaran ang income tax ng Maynilad at Manila Water Corporation.
Una nang ibinasura ng MWSS ang hiling ng Maynilad at Manila Water Corp. sa pagdaragdag ng singil sa kanilang mga consumer ngunit sa kabila nito ang Finance department naman umano at maging si mismong Pangulong Aquino nais na bayaran ang income tax ng mga ito.
Pero nitong Marso lamang humiling ang Maynilad ng P3.44billion sa gobyerno bilang sovereign compensation o ang pagpasa sa gobyerno ang bayarin ng taong bayan matapos ngang hindi payagan ng MWSS na magtaas ng singil sa kanilang consumer.
Nitong Lunes, sa budget hearing, nilinaw naman ni Secretary Florencio Abad na wala pa naman ni isang sentimo na nagamit para sa nasabing kontrata. (Eagle News Service)