Dagupan City nakakaranas ng pagbaha; mahigit 10,000 katao bumalik sa evacuation centers dahil sa pagtaas ng tubig

Photo courtesy of Eagle News Correspondent Nora Dominguez

DAGUPAN CITY, Pangasinan (Eagle News) – Mahigit 10,000 indibidwal sa Dagupan City ang muling bumalik sa mga evacuation center dahil sa pagtaas ng tubig baha kahit pa wala nang nararanasang pag-ulan sa lalawigan.

Ayon kay Lenny Basa, City Information Officer ng lungsod, nasa 2,503 na pamilya o 10,098 na indibidwal ang bumalik sa evacuation centers sa siyudad matapos na abutin ng patuloy na tumataas na tubig baha.

Namahagi naman ng relief goods ang Dagupan City government sa mga residenteng naapektuhan ng mga paghaba sa lungsod.

Samantala, patuloy na nagpapakawala ng tubig ang San Roque Dam kung saan bukas ang dalawang gates nito na mag tig-dalawang metrong opening at total outflow na 854 cubic meter per second na direktang dumadaloy sa Agno River.

Ayon kay Odette Rivero, spokesperson ng National Power Corporation, bandang 6:00 am  ay  nasa 281.68 meters above sea level na ang water elevation sa San Roque Dam. Nora Dominguez