Pagpapalabas ng writ of habeas data, hiniling din
Moira Encina
Eagle News Service
Nagpasaklolo na sa Korte Suprema ang National Union of People’s Lawyer o NUPL dahil sa sinasabing pagbabanta sa buhay at seguridad at diumano’y pangha-harass sa mga miyembrong abogado nito ng militar.
Ito ay sa harap ng alegasyon ni AFP Deputy Chief of Staff Major General Antonio Parlade Jr. na ang NUPL ay konektado sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army at nakakatanggap ng mga pondo at grants mula sa mga international organization at states.
Sa kanilang petisyon, hiniling ng NUPL na protektahan sila ng Supreme Court sa pamamagitan ng pagpapalabas ng Writ of Amparo para itigil na ang diumano’y pagbabanta sa kanila ng militar, at Writ of Habeas Data para ipasira ang lahat ng sinasabi nilang iligal na nakolektang impormasyon sa kanila ng mga respondents.
Ilan sa mga respondents sa petisyon sina Pangulong Rodrigo Duterte, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr., Defense Secretary Delfin Lorenzana, AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal at Maj. Gen. Antonio Parlade, Jr.
Nais din ng NUPL na mag-isyu ng Temporary Protection Order ang Korte Suprema para maprotektahan ang mga miyembro at opisyal nito laban sa mga respondents.
Sinabi ni Atty. Rachel Pastores ng Public Interest Law Center, abogado ng NUPL, kakaiba ang petisyon na inihain nila dahil kung dati nagsasampa sila ng petisyon para sa proteksyon ng kanilang mga kliyente, ngayon ay ito naman ay para sa proteksyon nilang mga abogado.
Iginiit ni NUPL President Atty. Edre Olalia, ang “red-tagging” na ginagawa sa kanila ng militar o pag-uugnay sa kanila sa CPP NPA ay nagdulot ng harassment at pagpatay sa mga miyembro nila sa mga nakaraan.
Partikular na rito aniya ang pagpaslang kay Atty. Rodolfo Felicio, NUPL Rizal Chapter member noong 2014 at Atty. Benjamin Ramos, NUPL Negros Secretary General at abogado ng mga Sagay farmers na pinatay naman noong 2018.