(Eagle News) — Kaugnay ng resolusyon na ipinalabas sa araw na ito, nagtakda ang Commission on Elections (Comelec) ng dalawang araw na liquor ban kaugnay ng nalalapit na halalan.
Ayon sa Comelec, walang sinumang Filipino citizen ang maaaring magbenta, mag-alok, bumili, magbigay, o uminom ng anumang inuming nakalalasing simula Mayo 8 hanggang Mayo 9.
Ituturing umanong election offense ang paglabag sa nabanggit na liquor ban kung saan ang mapatutunayang guilty ay haharap sa parusang isa hanggang sa anim na taong pagkakakulong; diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang tungkulin sa gobyerno; at pagkaalis ng karapatang bumoto.
Magtatalaga ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at Comelec officials upang ipatupad ang naturang ban.
Samantala, exempted naman sa naturang ban ang mga dayuhan na nasa awtorisadong hotels o establishments. Ang naturang mga establishment na pinatutunayan ng Department of Tourism na “tourism-oriented” ay dapat na mag-apply sa Comelec para sa exemption sa naturang ban.