DUMINGAG, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Sinunog ng mga hindi pa nakikilalang grupo ang dalawang backhoe na pagmamay-ari ng Bise Alkalde at lokal na Pamahalaan ng Dumingag, Zamboanga del Sur.
Sa ulat ng Zamboanga del Sur Police Provincial Office (ZSPPO), nangyari ang insidente sa bulubunduking kalsada ng Purok 3, Barangay Tamurayan, Dumingag, Zamboanga del Sur. Bago ang pangyayari ay may nakita aniya ang mga residente na limang lalaki na tumambay sa isang maliit na kubo malapit sa mga nakaparadang bakchoe. Kaduda-duda umano ang ikinikilos ng mga ito na parehong mga baguhan lang sa lugar.
Isang oras umanong nakatambay ang mga suspek saka umalis sa hindi pa malamang direksiyon. Makalipas ang dalawang oras, napansin na lang nilang nasusunog na ang naturang mga backhoe na agad naman nilang ini-report sa awtoridad.
Na-recover ng mga awtoridad sa lugar ang dalawang plastic gallon na may laman pang kaunting gasolina. Napag-alaman na ginagamit ang mga backhoe sa kasalukuyang ginagawang kalsada sa nabanggit na Barangay.
Patuloy naman ang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang nasabing insidente.
Kimberly Dawn Bacon – EBC Correspondent, Zamboanga del Sur