SA loob ng isang linggo ay dalawang barangay chapel ang pinasinayaan at naisagawa ang mga unang pagsamba sa Panginoong Diyos ng mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo sa lalawigan ng north Cotabato.
Noong Miyerkules, Hunyo 1, 2016 ay idinaos ang unang pagsamba ng mga kaanib ng INC sa Banayal Extension, 5:00 ng hapon. Halos 12 kilometro ang layo nito sa lokal ng La Esperanza, sa Tulunan, North Cotabato, na siyang mother lokal sa nasabing lalawigan.
Ang isa namang barangay chapel ay sa Arakan Extension, pinasiyaan nitong araw (Hunyo 4, 2016), 9:00 ng umaga. Halos 8 kilometro rin ang layo nito mula sa lokal ng Doroluman sa Bayan ng Arakan, North Cotabato.
Ang mga unang pagsamba ay pinangunahan ni North Cotabato District Supervising Minister Bro. Francisco Blancaflor kasama ang ilang ministro ng North Cotabato.
Makikita sa mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo ang katuwaan at kagalakan kapag napagkalooban sila ng mga bahay sambahan dahil naisasagawa nila ang payapa at maayos na mga pagsamba sa Panginoong Diyos.
Labis naman ang naging pasasalamat ng mga kaanib sa loob ng INC kay Iglesia Ni Cristo, Executive Minister Bro. Eduardo V. Manalo dahil sa pagdami ng mga kapilya ay lalo namang naging malapit sa bawat isa ang dakong pagdaraosan ng pagsamba.