(Eagle News) — Positibo sa MDMA methylene homolog at methylenedioxycathinone ang isa sa limang namatay sa close up concert na ginanap sa Mall of Asia (MOA) open field sa Pasay City noong Mayo 22.
Una nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na “not fit for human at animal consumption” ang MDMA o homolog na siyang nakita sa 18 taong gulang na namatay sa nasabing concert.
Kinunan ng blood sample mula sa kidneys, brain at stomach ang biktima.
Ayon sa NBI, hindi nila masasabi ang dami ng ininom ng biktima subalit tiyak anila sila na ang nabanggit na mga droga ang ininom nito.
Sa follow-up operation ng NBI kung saan nahuli si Joshua Habalo at limang iba pa, nasamsam sa mga ito ang dalawang chemical substance na nakita sa biktima.
Bagaman hindi tinukoy ng NBI na overdosage o o mismong ang illegal drugs ang ikinamatay ng limang indibiduwal sa concert sa Pasay, malaki umano ang posibilidad na may kinalaman ang ininom na party drugs ng isa sa namatay.