(Eagle News) — Nanumpa na bilang bagong mga Representative sina Congresswoman Elizabeth Ty-Delgado bilang kinatawan ng unang ditrito ng Surigao del Sur at Congressman Raul Daza naman bilang kinatawan ng unang distrito ng Northern Samar.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte, ipinatupad na ng House of Representatives ang desisyon ng Korte Suprema na palitan sa pwesto ni Ty-Delgado si Philip Pichay.
Matatandaang idineklara ng Supreme Court na null and void ang kandidatura ni Pichay noong 2013 dahil sa hatol na libelo sa kaniya dahilan din upang ideklara si Ty-Delgado na siyang dapat na maging kinatawan ng Surigao del Sur.
Samantala, pinalitan na rin ni dating Deputy Speaker Raul Daza si Harlin Abayon bilang kinatawan ng unang distrito ng Northern Samar ayon sa desisyon ng House of Representatives Electoral Tribunal matapos mabigo si Abayon na makakuha ng temporary restraining order sa SC kaugnay ng petisyon ni Daza na diumano’y dinaya ang huli sa 2013 polls.