Ni Ferdinand C. Libor, Jr.
Eagle News Service
DINAS, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Patay ang dalawang miyembro ng Anwar Ansang Group matapos manlaban sa operasyon ng mga otoridad sa Zamboanga del Sur nitong Biyernes, April 20.
Ang nasabing grupo ay itinuturing most wanted persons sa Zamboanga del Sur dahil sa patung-patong na kaso, at nasasangkot umano sa pangingikil at gun-for-hire activities.
Kinilala ang mga napatay na suspek na si Moamar Ansang Fermin, 36; at si Suad Abang Esmael, 32.
Si Fermin ay itinuturing na top 7 most wanted person sa provincial level na nahaharap sa kasong murder with multiple frustrated murder.
Si Esmael naman ay itinuturing na top 2 most wanted person sa municipal level na may kaso ring murder at attempted murder.
Ayon kay Police Senior Inspector Felixberto Rule, Jr., hepe ng Dinas PNP, nasasangkot rin ang dalawang suspek sa Laarni Bandi kidnapping sa Malangas, Zamboanga Sibugay.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang M16 armalite rifle, mga magazine at limang bala, isang carbine rifle, mga magazine at 51 bala at isang 45 cal. baril.