DIPLAHAN, Zamboanga Sibugay (Eagle News) — Patay ang dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos makipagbarilan sa militar sa Zamboanga Sibugay.
Ayon kay Col. Jacinto Bareng, Commanding Officer ng 102nd Brigade ng Armed Forces of the Philippines, sugatan din ang dalawang Civilian Volunteer Officer sa engkwentro sa pagitan nila at ng grupo sa Sitio Malagak, Barangay Guinoman sa Bayan ng Diplahan.
Ayon kay Bareng, nagsasagawa lamang ng security operations ang mga miyembro ng 44th Infantry Battallion at ng 102nd brigade sa probinsiya nang sinalubong sila ng putok ng baril ng mahigit tatlumpung miyembro ng NPA.
Dagdag ni Bareng, ang nakasagupa ng kanilang tropa ay ang rebeldeng grupo na pinamunuan ng Western Mindanao Party Committee.
Responsable din umano ang rebeldeng grupong ito sa mga pangingikil sa lugar.
Nagtagal ang palitan ng putok ng mahigit 45 minuto.
Narekober din sa dalawang namatay ang isang AK 47 rifle at M16 armalite rifle.
Naglagay naman ng karagdagang puwersa ang militar sa lugar habang patuloy pang tinutugis ang iba pang mga rebeldeng grupo. (Eagle News Correspondent Ferdinand C. Libor Jr.)