(Eagle News) — Nakatakdang basahan ng sakdal sa Sandiganbayan si dating Makati City Mayor Junjun Binay sa Mayo, kaugnay sa kaso nito ukol sa umano’y overpriced na Makati City Parking Building.
Ito’y matapos makitaan ng probable cause ng 3rd division ang graft at falsification cases laban sa kaniya.
Ang arraignment ay gagawin sa ika-18 ng Mayo, 1:30 ng hapon.
Samantala, hindi na nag-isyu ang Sandiganbayan ng arrest warrant laban kay Binay at mga kapwa akusado nito.
Matatandaan na naglagak na ang dating alkalde ng piyansa.
Nag-ugat ang kaso ni Binay sa umano’y anomalya sa pagpapatayo ng Makati City Parking building na nagkahalaga ng mahigit P2 bilyon. (Madelyn Villar, Eagle News Service)