(Eagle News) — Posibleng humawak ng committee chairmanship sa Kamara sa ilalim ng 17th congress si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito ang kinumpirma ng nagbabalik-Kamara na si Quezon Representative Danilo Suarez na kapartido rin ni Arroyo sa Lakas-Christian Muslim Democrats.
Ayon kay Suarez, sa siyam na taong pagiging pangulo ng bansa, hindi aniya matatawaran ang kaalaman ni Arroyo sa mga economic policy kaya bagay aniyang hawakan nito ang komite ng Economic Affairs o kaya ay Trade and Industry.
Magiging asset umano ang dating pangulo na inaasahang dadalo sa mga sesyon ng 17th congress.
Kinumpirma rin ni Suarez na hindi malayong hingan ng payo ni president-elect Rodrigo Duterte si Arroyo pagdating sa mga isyung pang-ekonomiya.
Matatandaan namang isa sa mga naging adviser sa ilalim ng Arroyo administration ukol sa kriminalidad si Duterte.