Dating pulis na may kasong murder, nasakote ng NBI matapos ang 25 taon niyang pagtatago

Ang retiradong pulis na si Rodolfo Gamuyao (sa kanan). Nahuli si Gamuyao ng National Bureau of Investigation noong ika-19 ng Abril. /Erwin Temperante/ Eagle News Service

Ni Erwin Temperante

Eagle News Service

Makalipas ang 25 taong pagtatago sa batas, isang dating pulis na may kinakaharap na kasong murder ang nasakote rin ng National Bureau of Investigation.

Kinilala ng International Operation Division ang suspek na si retired P03 Rodolfo “Boy” Gamuyao.

Nakabinbin ang kaniyang kaso sa Bacolod Regional Trial Court, na nag-isyu ng arrest order laban sa kaniya noong 1992.

Nagtakda ng walang piyansa ang korte para sa retiradong pulis.

“Akala ko OK na. Di naman ako nakareceive ng subpoena,” wika ni Gamuyao.

Ayon sa NBI, sangkot din sa pagbebenta ng high-powered firearms at ilegal na droga ang suspek, na nahuli noong ika-19 ng Abril habang siya’y nanananghalian sa isang restaurant, kasama ang kaniyang mga kaibigan.

Ayon sa NBI, nagpapakilala din daw na ahente ng NBI ang retiradong pulis, pero mariin itong itinanggi ng 64 na taong gulang na suspek.

“Akala nila sa akin, NBI ako kasi kasama ko palagi ang mga NBI,” aniya.

“Akala nila confidential agent ako ng NBI,” dagdag pa niya.

Ayon kay Ferdinand Lavin, NBI deputy director, posible ring ang hawak nilang Gamuyao ngayon ang siya ring Gamuyao na napaulat na protektor ng ilegal na droga sa Bacolod.

“Nakalagay ata dun Boy Gamuyao, but the identity of Boy Gamuyao here is Rodolfo ‘Boy’ Gamuyao. (But) they may be referring to one and the same person,” wika niya.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng NBI ang suspek.

Hinihintay pa ang commitment order ng korte, na magsasaad kung saan dapat makulong ang retiradong pulis.

 

 

 

Related Post

This website uses cookies.