Ni Moira Encina
Eagle News Service
Hiniling ni dating Senador Bongbong Marcos sa Korte Suprema–na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal—na ibasura na ang counter-protest na inihain ni Vice President Leni Robredo dahil sa kabiguan nito na magbayad ng recount fee.
Sa anim na pahinang omnibus motion, sinabi ni Marcos na sa ilalim ng Rule 34 ng 2010 PET rules, maaaring ibasura ng tribunal ang protest o counter-protest kung mabibigong magbayad ang partido ng protest fee sa itinakdang petsa.
Sinabi ni Marcos na hindi nagbayad si Robredo ng paunang cash deposit na P8 milyon noong ika-17 ng Abril, na siyang deadline ng pagbabayad.
Sa halip aniya ay naghain ito ng manifestation at motion for reconsideration.
Sa kabilang banda, si Marcos ay nakatugon sa deadline noong Lunes.
Ang dating senador ay nagbayad ng first installment na P36 milyon, na bahagi ng mahigit P66 milyon na itinakda ng tribunal na kaniyang protest fee.
Tinukoy pa ni Marcos ang dalawang election case kung saan pinagtibay ng Korte Suprema ang pagbasura sa mga protesta dahil sa kabiguan ng mga partido na makabayad ng deposito sa itinakdang oras.
Ito ay ang Perla Garcia et al vs House of Representative Electoral Tribunal, at ang Rep. Harry Angping at Bienvenido William D. Lloren vs Comelec and Rogelio Pua Jr.
“Guided by the foregoing, the dismissal of the counter-protest in this case is therefore warranted given the failure on the part of the protestee/counter-protestant Robredo to pay the required cash deposit within the prescribed time limit of this Honorable Tribunal…,” sabi ni Marcos.
Kasabay nito, muling umapela ang dating senador sa PET na itakda na ang preliminary conference sa kanyang electoral protest para umusad na ito.