DAVAO City (Eaghle News) – Sa kabila ng maselang kalagayan sa pagbubuntis at sa banta sa kanyang seguridad, mas pinili pa rin ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na manawagan sa Davaoenos upang lumabas at makipagkaisa sa kaniya sa isinagawang memorial rites sa blast site, bilang pakikiramay sa mga naging biktima ng pambobomba sa Roxas Night Market sa Davao noong Biyernes, Septyembre 2.
Kahit may halong takot ang iba ay ipinakita pa rin ng mga Davaoeno ang kanilang patuloy na pagsuporta sa kanilang Mayor. Nais din nilang maipadama sa lahat ng mga naging biktima at mga pamilya nito na ang Davao ay nakikiramay sa kanila.
Ayon kay Mayor Sara Duterte, tutulungan ng City Government ng Davao ang lahat ng mga naging biktima sa kanilang pangangailangan sa ospital, burial, funeral at sa pang araw-araw na mga gastusin.
Samantala, marami ang tumugon sa panawagan ng Philippine Red Cross – Davao Chapter na maging “on call” o “standby blood donor” at maaari rin maging walk-in blood donor. Ngunit mas pinili naman ng iba na agad ng magdonate ng kanilang dugo upang magamit na ito at makatulong sa mga naging biktima sa pambobomba.
Courtesy: Saylan Wens, Haydee Jipolan – Davao City Correspondents, Photo captured by Roan – EBC Davao