DAVAO City, Philippines (Eagle News) — Ipinatitigil na ni Mayor Sarah Duterte-Carpio ang Night Market sa Davao City matapos umanong makita ang maraming paglabag sa ordinansa ng siyudad ng daan-daan vendors.
Tinatayang nasa mahigit sa 700 vendors ang apektado ng kautusan ng Alkalde na sisimulan ngayon araw ng Huwebes, August 4 sa kahabaan ng Roxas Avenue. Ito ay base na rin sa rekomendasyon ng City Traffic and Transport Management Office sa ilalim ng hepe nitong si Rhodelio Poliquit.
Isa sa malaking dahilan ng pagpatigil ng “tiange” ay ang hindi pagsunod sa patakarang “one family-one stall rule” na ipinatutupad ng Pamahalaang Lokal matapos na malaman ni Carpio na karamihan sa mga puwesto o stalls ngayon ay pinatatakbo sa mga “dummy” ng financiers at ang iba naman ay pinarerentahan pa sa ibang vendors.
Marami rin umanong nalabag na batas-trapiko ang mga vendor na siyang sanhi ng buhol-buhol na trapiko kung kaya’t minabuti na lamang ni Carpio na ipatigil ang night market. Hindi na bale umano na mawalan ng kita o buwis ang pamahalaan kaysa naman nagpapatuloy ang magulong sitwasyon sa lugar.
Nirereklamo rin ng ibang mga lehitimong negosyante ang night market na nagsisimula ng 6:00 ng gabi hanggang 2:00 ng madaling araw.
Nais umano ni Carpio na panatiliin ang kalinisan at maluwag na daloy ng trapiko sa nasabing lugar kung saan isinasagawa ang Night Market.
(Eagle News Correpondent, Malou Cablinda)