MANILA, Philippines (Eagle News) — Hawak pa rin umano ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondong para sa mga magsasakang apektado ng El Niño.
Ibinunyag ni Department of Agriculture undersecretary Emerson Palad na ang hinihiling nilang pondo ang gagamitin sana ng mga magsasaka upang malabanan ang epekto ng matinding tagtuyot.
Ngunit dahil, aniya, bigo ang DBM na ilabas ang nasabing pondo, sa regular fund muna ng agriculture department humugot ang ahensya para sa mga magsasaka.
Mula sa higit 57 billion pesos na regular fund ng agriculture, naglaan ng higit PHP 3 billion bilang quick response fund.
Ayon kay Palad, ang nasabing halaga ang ginamit ng Department of Agriculture upang tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka, partikular sa pagsasagawa ng cloud seeding operations hanggang sa production supports.