(Eagle News) — Hiniling ni Senadora Leila De Lima kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel na suportahan ang petisyon niya sa korte na payagan siyang makadalo sa mga sesyon ng Senado upang makaboto sa mga importanteng panukalang batas.
Sa kanyang liham kay Pimentel, sinabi ni De Lima na ang paminsan-minsang pagdalo sa sesyon na lamang ang pwede niyang gawin dahil may ruling na ang Korte Suprema laban sa mga mambabatas na makadalo sa lahat ng sesyon ng Kongreso o kaya ay mailagay sa kustodiya ng Kongreso.
Ayon kay De Lima, hindi pa naman sya sentensyado kaya nananatili siyang isang senador na ibinoto ng labing apat na milyong Pilipino.
Idinagdag ni De Lima na hindi naman kalabisan ang hinihingi nya na paminsan-minsang makalabas ng kanyang detention cell dahil pagboto sa mga importanteng panukalang batas ang kanyang layunin at hindi para dumalo sa birthday party o iba pang personal na kadahilanan.