De Lima, muling binanatan ang kampanya laban sa droga

Handwritten notes by Senator Leila de Lima, who is detained in Camp Crame in connection with drug cases filed against her at the Muntinlupa Regional Trial Court. /From the Office of Senator Leila de Lima/
Statement ni Senador Leila de Lima, na nakapiit sa Camp Crame kaugnay ng mga kaso na may kinalaman sa droga na kinakaharap niya. /Office of Senator Leila de Lima/

Ni Meanne Corvera

Eagle News Service

Tila nabunutan daw ng tinik ang nakakulong na si Senador Leila de Lima sa ginagawa nitong pagbatikos sa mali umanong kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.

Sa isang sulat-kamay na statement, sinabi ni De Lima na ang resulta ng Social Weather Stations survey na nagsasabing nabawasan ang mga taong nasisiyahan sa war on drugs ng gobyerno ay katunayan lang na namumulat na ang taumbayan sa maling patakaran ng administrasyon.

Si De Lima ay nakapiit sa Camp Crame kaugnay ng mga kaso na may kinalaman sa droga laban sa kaniya.

Batay sa survey na ginawa ng SWS mula ika-25 hanggang ika-28 ng Marso, bumaba ng 11 points ang net satisfaction rating sa nasabing kampanya ng pamahalaan.

Mula sa +77 na rating  nito noong Disyembre ng nakaraang taon, naging+66 ito.

“Ibig sabihin, dumadami na ang mga kababayan natin na namumulat sa katotohanan na mali ang pamamaraan ng Pangulong Duterte sa pagsugpo sa problema sa droga,” sabi ni De Lima.

Iginiit ni De Lima na mali ang paraan ng gobyerno, partikular na ang umano’y summary execution sa mga drug suspect.

Nakakabahala aniya na patuloy na tumataas ang mga kaso ng extrajudicial killings na hanggang ngayon ay hindi pa nareresolba ng gobyerno.

 “Summary killing of suspected drug offenders irrespective of their guilt is absolutely wrong, hence, unacceptable. It is against the laws of men and of God,” aniya.

Subalit ayon din sa SWS, ang net satisfaction rating na +66 sa nasabing kampanya ng gobyerno ay nasa  kategoryang “very good.”

Mataas din ang naniniwalang seryoso ang administrasyon sa pagresolba ng kaso ng extrajudicial killing sa bansa.

Ayon sa SWS, 70% ang naniniwala na pursigido ang gobyerno na maresolba ang mga ito.