QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Sinimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang decryption ng ballot images kaugnay sa election protest na isinampa ni Presidential Adviser for Political Affairs Francis Tolentino laban kay Senadora Leila De Lima.
Sinabi ng COMELEC na mahigit isang libong balota mula sa clustered precincts ng Akbar at Al Barka, Basilan ang naunang ma-decrypt.
Una nang kinuwestyon ni Tolentino ang mahigit dalawang daang libong balota mula sa 597 clustered precincts sa buong bansa na umano’y may bahid ng pandaraya.
Sa ilalim ng decryption process, kukunin ang ballot images na naka-save sa SD card para maimprenta at pagkatapos bibigyan ang magkabilang panig ng mga kopya.
Habang makakatanggap ng soft, printed copy at hash code ang Senate Electoral Tribunal.
Sa taya ng election and records statistics ng COMELEC, tatagal ng hanggang isang buwan ang decryption sa mga balota.