Deguito, pinag-aaralan kung magiging state witness sa money laundering scandal

vlcsnap-2016-04-19-20h11m44s104
Maia Santos Deguito, pinag-aaralan kung magiging state witness

(Eagle News) — Pinag-aaralan na ng kampo ni Maia Santos Deguito na maging state witness sa $81 million-dollar scheme matapos sampahan ng kabi -kabilang kaso dulot ng nasabing pagnanakaw ng pera sa Central Bank ng Bangladesh.

Ayon sa abogado ni Deguito na si Atty. Ferdinand Topacio, naghuhugas-kamay lang aniya ang Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) na siya umanong dapat managot sa laundered money kaya idinidiin ang kaniyang kliyente.

“Ang ginagawa lang ng RCBC para salbahin ang pangalan niya, sinasabi si Ms. Deguito lang ang merong kasalanan na hindi naman pupwedeng mangyari…,” pahayag ni Atty. Topacio.

Una nang isiniwalat ni Deguito sa executive session ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga personalidad na sangkot diumano sa pagnanakaw ng pera mula sa Bangladesh.

Ayon pa kay Atty. Topacio, biktima lamang aniya si Deguito dahil may malalaking taong nasa likod ng laundering at naloko lamang aniya ang kaniyang kliyente habang idinagdag rin niyang nasa higit $900 million ang orihinal na  halaga ng perang nanakawin sana ngunit napigilan lamang ito.

“Klaro naman na biktima rito ang aking kliyente…hindi magiging posible itong laking money laundering scheme na ganito nang walang partisipasyon ang mga opisyales ng RCBC, ng mga bangkero, ng ibang mga businessmen na malalaki… kung titingnan n’yo po ‘yung over-all scheme  nitong money-laundering, hindi lang po 81 million e. Hindi lang 81 million na dollars ang dapat papasok dito . 900 plus  million dapat ang ipapasok dito kaya lang nabuking na itong 81 million, kaya tumigil na,” saad pa ni Atty. Topacio.

Samantala, hiniling ng kampo ni Deguito na sa Mayo 3 na sila magsusumite ng counter affidavit kasabay ng pagsusumite ng counter affidavit nina Kim Wong at Weikang  Xu  sa kabila ng sa araw na ito dapat magsumite ng naturang salaysay ayon sa inilabas na subpoena ni state prosecutor Gilmarie Fe Pacamara .

Paliwanag ni Atty. Topacio sobrang dami na ng kanilang tinatrabaho kaya nila hiniling na sa nabanggit na petsa na magsumite ng counter affidavit.

“Kasi hiniling namin dun sa prosecutor, si prosecutor Pacamara, na abalang-abala po kasi kami rito sa senado. At sa pagkaaalam ko na-filan na rin si Ms. Deguito… kasama pa yata ako e, dun sa demanda so magiging abala kami…humingi naman kami ng additional time,” pahayag ni Atty. Topacio.