(Eagle News) — Kinumpirma ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Ronald Dela Rosa ang pagtakbo sa Senado sa 2019 midterm elections.
Ayon kay Dela Rosa, ang kanyang pasiya ay kasunod ng pag-endorso sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtitipon ng partidong hugpong ng pagbabago sa Davao City, tatlong linggo na ang nakakaraan.
“Inanunsyo na ng Presidente. Sinabi sa ‘kin ng Presidente, tumakbo ako. Eh di tatakbo ako,” ayon kay Dela Rosa.
Aniya, matapos ang panunumpa ng mga miyembro ng partido, kinausap niya ang Pangulo at kinumpirma ang pagbibigay basbas sa kanyang pagtakbo.
Sinabi pa ni Dela Rosa na ngayon pa lamang ay pinaghahandaan na niya ang pagsisimula ng kampanya gayundin ang mga matatanggap na batikos.