Ni Mar Gabriel
Eagle News Service
(Eagle News) — Nanindigan si Philippine National Police (PNP) Chief Ronald dela Rosa sa kaniyang pahayag na may tatlong diumanong ahente ng National Bureau of Investigation na sangkot sa pagkidnap sa isang Korean national sa Angeles, Pampanga noong Biyernes, Nobyembre 24.
Giit ng PNP, ang naturang impormasyon ay galing mismo sa mga biktima at sa mga naarestong suspek.
“Iyon ang lumabas sa investigation and we never made up that story. Sinabi ko nga merong tatlong alleged NBI. Bakit hindi ko sabihin yan, lumabas sa investigation namin. Gusto niyo itago ko. Anong purpose nung itago ko?” pahayag ni PNP Chief Ronald Dela Rosa.
Giit naman ni PNP-Anti-Kidnapping Group Director Senior Supt. Glenn Dumlao, sakali man ay hindi ito ang unang pagkakataon na may nasangkot na NBI agent sa kaso ng kidnapping.
May mga NBI agent din daw na sangkot noon sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick Joo, na idinawit pa mismo ng isa sa mga principal suspek na si Supt. Rafael Dumlao.
“Hindi namin gawa-gawa yun. Unang-una may kidnapping na nagawa, nangyari na rescue yung kidnap victim. Nahuli ang suspects, yung isa suspect nag-execute ng judicial confession. At categorically sinasabi niya na tatlong NBI agents ang nakasakay sa white sedan, naglink-up sa Marquee Mall,” pahayag ng hepe ng PNP-AKG.
Nilinaw naman ni Dela Rosa na “wala (akong) problema kay (NBI director Dante) Gierran.”
“Sabi ko nga sa kanila, kung merong pulis na involved hindi man ako nahihiya na may pulis na involved. Please kung may pulis na involved sa kalokohan, upakan nyo. After all we are after internal cleansing, after good governance na gusto natin maayos gobyerno, na hindi masira. Hindi yung magkublihan tayo na ang purpose ko naman doon, hindi ako naninira ng ahensya,” ayon kay Dela Rosa.
Sa ngayon, bineberipika pa ng PNP ang mga pangalan ng umanoy tatlong NBI agent na sangkot sa naturang kaso.