PUERTO PRINCESA, Palawan (Eagle News) – Duguan at sugatang isinugod sa mga pagamutan ang dalawang driver ng truck na patungong Puerto Princesa matapos magkabanggaan ang kanilang mga sasakyan nitong Biyernes ng umaga, Mayo 26.
Kinilala ang isang driver na si PFC Emerson Galao ng 12th Marine Battalion.
Si Galao ay nagtamo ng mga sugat gayon din ang mga sakay nito sa likurang bahagi ng service truck na kaniyang minamaneho.
Si Michael Taneo naman na driver ng delivery truck na may dalang isda ay nagtamo ng matinding pinsala sa kaliwang bahagi ng binti dahil sa pagkakaipit sa nayuping bahagi ng sasakyan na kaniyang minamaneho.
Wasak na wasak ang mga unahang bahagi ng dalawang sasakyan kung kaya nahirapan ang mga tumulong na alisin ang mga driver mula sa drivers seat.
Ayon sa mga nakasaksi at tumulong sa mga biktima na si Gil Billones, isang security guard sa warehouse sa tapat ng pinangyarihan ng insidente, naganap ang salpukan bandang alas 4:00 ng madaling araw.
Narinig lamang umano nila ang malakas na salpukan kasunod ng paghingi ng saklolo ng mga sundalong sakay ng truck.
Nahirapan umano sila na hilahin ang driver ng marine truck dahil sa matinding pagkakaipit nito.
Samantala, ang isa sa mga kasamahan nito sa hulihang bahagi ay duguan dahil sa malaking sugat na tinamo nito sa ulo bunga ng pagkahulog nito dahil sa lakas ng impact ng pagkakabangga.
Ang driver naman ng delivery truck ay dinala ng rumespondeng Rescue 165.
Maswerte namang hindi nasugatan ang dalawang batang kasama nito sa sasakyan.
Anne Ramos – EBC Correspondent, Palawan