Demand na ma-audit ang AES, pormal nang inihain ng Marcos Camp

Pormal nang inihain ang demand ng Marcos Camp na ma-audit ang AES

(Eagle News) — Pormal nang ibinigay ng legal team ni Vice presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ang sulat sa Commission on Elections (Comelec) na humihiling na magkaroon ng audit ang kanilang Information Technology (IT) expert sa Automated Election System (AES).

Ayon kay Atty. Jose Amorado, nagdulot ng pangamba ang pagbabago sa script kaya nais na malaman ng kanilang kampo kung may nabago ba talaga sa resulta ng bilangan at sa pumapasok na numero sa transparency server.

Una nang inamin ng Comelec na may nabago sa script sa hash code ng transpareny server pero hindi anila nagalaw ang resulta ng bilangan.

Ngunit isasailalim sa imbestigasyon ang mga tauhan ng Smartmatic at ilang opisyal ng Comelec kung bakit nangyari ang pagbabago sa script nang walang pahintulot ng en banc.

Agad namang nilinaw ng kampo ni Marcos na nais lang talaga ng kanilang kampo na magkaroon ng audit at wala silang ibinabatong alegasyon ng dayaan.

Pero para kay Atty. Romulo Macalintal, kumakatawan kay Camarines Sur Congresswoman Leni Robredo, disperadong hakbang aniya ang panawagan ni Marcos na system audit habang sumagot naman ang kampo ni Marcos na bukas rin aniya kay Robredo at maging sa lahat ang pagbusisi sa election system kung nanaisin ng mga ito.

Samantala, dumagsa naman sa harap ng tanggapan ng Comelec ang mga tagasuporta ni Bongbong para igiit na tunay na nanalo sa bilangan ang kanilang pambato sa bise-presidente.

 

Related Post

This website uses cookies.