GENERAL Santos City, Philippines (Eagle News) –Bumaba ng sampung porsyento ang bagsakan ng tuna sa General Santos City sa unang kalahati ng taon.
Ito ay dahil sa pagbaba umano ng demand ng frozen raw materials mula sa local tuna canneries.
Sa datos ng Philippine Fisheries Development Authority (PFDA), umabot lang sa higit isang daang libong metriko tonelada ang bagsakan ng sariwa at frozen tuna kumpara sa higit isang daan at labing-apat na libo noong 2015.
Umaasa naman ang mga opisyal ng PFDA na tataas ito sa mga susunod na buwan dahil sa pagtaas ng processing demand at pagdami ng mga huli.
Kumikita ng halos 350 million dollars ang tuna industry sa General Santos City na nakakapagbigay ng trabaho sa dalawampung libong katao.