QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Ipinag-utos ni Department of Environment Natural Resources Secretary Roy Cimatu ang mas mahigpit na monitoring sa lahat ng entry at exit points sa bansa dahil sa problema sa poaching o iligal na kalakaran ng pagbebenta ng hayop lalo na ang endangered species.
Batay sa inilabas na memorandum order ng kalihim, inaatasan nito ang lahat ng regional directors ng DENR na paigtingin ang surveillance campaign sa lahat ng wildlife shipment.
Maliban dito, mahigpit na pinababantayan ni Cimatu ang mga pamilihan at iba pang establisyimento na ang negosyo ay may kaugnayan sa pagbebenta ng mga hayop.
Muli ring binalaan ng DENR ang poachers at iba pang lumalabag na indibidwal na itigil na ang kanilang aktibidad dahil pananagutin sila ng ahensya sa ilalim ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources and Protection Act.