Ni Eden Santos
Eagle News Service
Eagle News – Sumugod sa tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ilang residente ng Sicogon Island sa Iloilo.
Ito ay para ipaglaban ang kanilang karapatan sa lupa, tubig at kabuhayan. Sigaw rin ng mga ito na “itigil ang land conversion” sa isla na ginagawa ng Ayala land at Sideco. Kasabwat umano ang mga opisyal ng DENR doon.
Ayon kay Dory Villa, residente sa Isla, matagal na silang naninirahan doon simula pa sa kanilang mga ninuno, kaya hindi makatarungang palayasin sila sa nasabing lugar.
Kabilang ang pamilya ni Villa sa mga hindi pumayag sa alok na Php150,000 kapalit ng tuluyang pag-alis sa isla o kaya ay lumipat sa relokasyon na walang mga pasilidad at supply ng tubig at kuryente.
“Bakit tatanggapin namin ‘yong option? Samantala doon na kami lumaki, doon na tumanda ang lolo namin. Saka marami kaming pananim, may mga saging kami at lahat-lahat ng mga mangga tinanim ng lolo namin. Pupunta kami sa ibang isla, ma-ano kami doon mapagutom, wala kaming pananim. Kahit kamoteng kahoy nga ayaw nila kaming ipatanim. Eh samantala noong wala sila diyan nakatanim kami ng kamoteng kahoy. Kahit wala kaming bigas nakakain kami ng kamoteng kahoy”, pahayag ni Dory Villa, residente ng Sicogon Island.
Isla, planong gawing world-class resort
Ang Sicogon Island ay plano umanong gawing world-class resort ng Ayala Land dahilan kaya unti-unti silang pinapa-alis sa lugar.
Binigyang-diin naman ni Raul Ramos, Presidente ng Federation of Sicogon Island Farmers and Fisherfolks Association (FESIFFA), matagal na ang kanilang reklamo.
Aniya, ilang kalihim na ang naupo at nawala sa DENR subalit wala pa ring solusyon mula sa gobyerno.
Umaasa sila na sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ay matulungan na sila.
“Ang nangyayari doon, ang kalahat-lahatan ng lupa doon sa Sicogon Island ay ibinibigay na ng DENR sa mga oligarkiya at kapitalista. Mula doon sa timberland papunta doon sa private land na may coverage na 335.6 hectares na coverage ng CARP papunta doon sa public alienable and disposable land at papunta doon sa pulic smith na may FLA na ngayon sa kanila. Wala na kaming lugar na pupuntahan”, ayon pa kay Raul Ramos, President, FESIFFA
Mga residente ng Sicogon Island Iloilo, makikipagdayalogo kay PRRD
Nakatakdang makipag-dayalogo kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga resident eng Sicogon sa April 3. Subalit pinapunta muna sila sa DENR para makausap si Secretary Roy Cimatu.
Ang problema ay mga opisyal ng DENR na dati na nilang nakaharap at walang naibigay na solusyon ang pinapakausap sa kanila.
“Hindi na kaming pwedeng maglagay ng tolda dito, eh titiisin na lang namin na umabot kami hanggang April 3 na hindi pa kami namamatay na makapunta kami sa Presidente. Sana totohanin naman ng pangulo kaniyang mga pangako sa mga mamamayan. Hindi lang sa salita, sa gawa. Nandito kami ngayon nagpapatunay at naghihintay sa kanilang kasagutan”, dagdag pa ni Ramos.