QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Nananawagan ang Department of Education (DepEd) sa mga magulang at mag-aaral na lahukan ang early registration para sa school year 2018 to 2019 na magtatapos sa February 28.
Gayunman, nilinaw ng ahensya na ang sakop lamang ng maagang pagpaparehistro sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa ay ang mga incoming na kindergarten, Grades 1, 7, at 11 dahil ang ibang grade levels ay itinuturing nang pre-registered.
Layunin ng maagang pagpaparehistro na maagapan ang mga posibleng maging isyu bago magsimula ang school year sa darating na Hunyo.
Sinabi pa ng DepEd na titiyakin nila na lahat ng mga batang maglilimang taong gulang hanggang Agosto 31 ay naka-enroll na sa kindergarten.
Bukod pa rito, nilalayon ng panawagan na hanapin, kilalanin at i-enroll ang mga out-of-school youth na nasa malalayo o isolated na lugar o di naman kaya ay nasa mahirap na kalagayan.
Ang mga papasok na mag-aaral sa kindergarten ay kinakailangang magdala ng Philippine Statistics Authority (PSA)-issued birth certificate at kopya ng kanilang Early Childhood Development (ECD) checklist report mula sa mga daycare center na kanilang pinagmulan.
Samantala, ang mga mag-aaral sa Grades 1, 7, at 11 naman ay kailangang magbigay ng PSA birth certificate at report card mula sa dati nilang paaralan.
Binigyang-diin din ng ahensya na walang registration fee o kahit na anong dapat bayaran ang mga magulang at mag-aaral base na rin sa “no collection policy” nito.