(Eagle News) – Hinarang ng mga tauhan ng Land Transportation Office (LTO) at Inter-Agency Council on Traffic (i-ACT) ang mga pampasaherong sasakyan at mga private vehicles dahil sa paglabag sa road safety sa Commonwealth Avenue, Quezon City nitong Lunes ng gabi, Enero 8.
Kaugnay pa rin ito ng ‘Tanggal bulok, tanggal usok’ campaign ng ahensya.
Karamihan sa mga naharang at natiketan ng LTO ay ang mga sasakyan na may sirang bahagi, kasama na din ang mga smoke belcher at iba’t ibang uri pa ng paglabag na maaaring maging sanhi ng aksidente sa kalsada.
Kada isang depektibo o paglabag ay may multang P5000, habang P2000 naman ay para sa smoke belchers.
Ayon sa mga tauhan ng LTO, matagal na raw ang batas na ito kung kaya’t hindi na dapat ito bago sa mga drivers and operators.
Sa kabuuan, aabot sa mahigit na 200 ang nahuling may depektibong parte ng sasakyan at mahigit 100 naman ang sa smoke belching sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila sa unang araw pa lang ng implementasyon ng nasabing kampanya.
(Earlo Bringas, Eagle News Service)