ORANI, Bataan (Eagle News) – Nagsagawa ang Department of Trade and Industry (DTI) ng Bataan ng destruction sa mga weighing scales o timbangan sa pamilihang bayan ng Orani, Bataan. Kasama ng DTI Bataan sina Orani Public Market Administrator Atty. Raul de Guzman, Vice Mayor Godofredo Galicia Jr, grupo ng Bataan Consumers Affair Council (BCAC) at iba pang LGU’s.
Halos 97 na timbangan ang naipon na karamihan ay luma na, may sira at wala ng kakayahang magtimbang ng wasto.
Pinagunahan ni Provincial Director Ms. Nelin Cabahug ng DTI Bataan ang pagwasak sa mga ito para tuluyan ng hindi magamit at ma-i-disposed sa maayos na paraan. Unang pagkakataong ginawa ito ng ahensiya sa lalawigan.
Layunin nito na mabigyan o mapalitan ng bago ang mga timbangan para maibigay sa mga mamimili ang tamang sukat na kanilang binibili. Proteksyon na rin sa mga consuming public na makuha sa tamang presyo at tamang timbang ang bawat produkto na kanilang binibili.
Tinitiyak naman ng pamunuan ng Orani na kanilang susubaybayan ang mga timbangan sa kanilang palengke. Ito ay para maiwasan ang magkaroon ng pagdaraya sa timbangan. Nais nilang ibalik ang tiwala at respeto sa bawat isa. Kanila rin aniyang kukumpiskahin ang mahuli gumagamit ng hindi tamang timbangan at bibigyan ng kaukulang disiplina.
Josie Martinez – EBC Correspondent, Bataan