(Eagle News) — Itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang alert level 1 sa Guam at northern Mariana Islands at hinimok ang mga Filipino na maging alerto at i-monitor ang sitwasyon sa gitna ng bantang pag-atake ng North Korea sa bansang Guam.
Sa ilalim ng alert level 1 o precautionary phase, dapat kilalanin ng mga Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Guam na hindi ordinaryo ang sitwasyon kaya dapat itong tutukan.
Kabilang sa mga dapat ihanda ang mga passport at iba pang dokumento lalo ang mga bag na may mga supply gaya ng pagkain at tubig.
Matatandaang, mayroong mahigit na 42,000 na mga Filipino ang nasa Guam.
Samantala, muling tiniyak ni Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano na nakalatag na ang kanilang contingency plan sa guam maging sa south korea sakaling mauwi sa bakbakan ang hamunan ng amerika at North Korea.
Naglabas naman ang pamahalaan ng Guam ng mga direktiba na naglalaman ng mga paghahanda at paalala sakaling magtuloy ang bantang nuclear attack ng North Korea.
Ayon sa inilabas na abiso, sakaling nasa sitwasyon na ng pag-atake ng North Korea, binibigyang diin na dapat sundin ang mga sumusunod:
- Pagtago sa matitibay na shelter malapit sa mga bahay, opisina at paaralan.
- Huwag tumingin sa fireball pagka’t nagiging sanhi ito ng pagkabulag
- Pagdapa sa lupa at pagtakip sa mga ulo pagka’t aabutin ng 30-segundo o higit pa bago puminsala ang isang blast.
- Kung posible ay agad na maligo at siguraduhin na gumamit ng sabon at magbuhos ng maraming tubig. ‘Wag ding kamutin ang mga balat.
- Huwag gumamit ng conditioner pagka’t maaaring mag-attract ito ng radioactive material kasabay ng nuclear attack.