(Eagle News) — Pinadali na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang passport application sa pamamagitan ng pagsasaayos ng appointment system matapos magbukas ng libu-libong appointment slots sa publiko.
Inayos ng DFA ang disenyo ng Online Appointment System para sa isang tingin lamang ay makikita na ng aplikante ang mga bakanteng petsa kung kailan pwede siyang mag-apply o mag-renew ng pasaporte.
Sinabi ni DFA Consular Affairs Executive Director Angelica Escalona, sa ngayon hindi na kailangang i-click pa ang lahat ng petsa para lang malaman ang susunod na appointment.
Pagbabago sa appointment system, makikita kaagad sa website
Aniya, kung bibisitahin ngayon ang appointment website ng DFA, makikita na ang mga petsa na mayroong kulay pula ay pawang may naka-book na.
Samantala, ang mga petsa na kulay berde ay pawang mga bakante.
Feedback mechanism ng appointment system, dinagdagan
Dinagdagan din ng feedback mechanism ang appointment system na nagsasabi sa aplikante kung merong problema sa kanyang aplikasyon at kung ano ang dapat niyang gawin upang malutas ito kaagad.
Pinapaalala rin ng appointment system na kung ang aplikante ay senior citizen, person with disability o may kapansanan, buntis, solo parent, batang nasa edad na pito at pababa, o overseas Filipino worker, hindi na niya kailangang kumuha ng appointment, bagkus ay pwede siyang mag-walk in at gumamit ng courtesy lane.
Kailangan lamang niyang ipakita ang kanyang ID upang maisaayos ang application or renewal ng kaniyang pasaporte.