Dialysis Center sa lalawigan ng Aurora, pormal ng binuksan

BALER, Aurora (Eagle News) – Pormal ng binuksan ang kauna-unahang Dialysis Center sa Lalawigan ng Aurora kamakailan. Ito ay matatagpuan sa Aurora Memorial Hospital, sa Barangay Reserva, Baler, Aurora. Ang pagbubukas ay pinangunahan ni Governor Gerardo P. Noveras.

Matatandaan na ipinahayag ng Gobernador nito lamang Enero, ang hangaring magkaroon ang lalawigan ng isang dialysis center. Ito ay upang hindi na aniya kailangang lumuwas pa ang mga taga-Aurora sa mga karatig na lalawigan upang magpa-dialysis, na bukod sa magastos ay napapagod pa ang pasyente.

Sa kasalukuyan ay binubuo ng apat na nurse, isang technician at isang doctor ang mga staff ng nabanggit na dialysis center. Ang nasabing mga staff ay masugid na sumailalim sa mga pagsasanay para sa gamapaning ito sa pagamutan. Mayroon ding apat (4 ) na dialysis machine sa nabanggit na dialysis center.

Ayon kay Dr. Norman James Tiburcio, Officer In-Charge ng nasabing dialysis center na may 60 pasiyente na ang nagconfirm sa kanila na dito na lamang sa AMH magpapadialysis at inaasahan nila na tataas pa ang bilang na ito sa darating na mga araw.

Jerry Alcala – EBC Correspondent, Aurora