Sinampahan na rin ng Society of Communicators and Networkers o SCAN International sa Davao Del Sur Chapter ng kasong libelo si Lowell Menorca II dating manggagawa ng Iglesia Ni Cristo.
Kahapon ng umaga, nagtungo ang mga miyembro ng SCAN sa Department of Justice ng Prosecutor Office ng Digos City kung saan isinampa ang kaso laban kay Menorca.
Nakasaad sa apat na pahinang sinumpaang salaysay ni Arnel Israel, Vice President ng SCAN Digos Davao Del Sur sa harap ni Prosecutor Noel Lindong, nagdulot umano ng kahihiyan sa kanya at buong miyembro ng SCAN at pamilya nila ang mga naging pahayag ni Menorca noong oktubre 28, 2015 sa isang TV news program.
Anila, malisyoso at mapanira ang mga akusasyon ni Menorca laban sa mga miyembro at mga opisyal ng SCAN na tinawag niyang private army at hit squad.
Nakapaloob din sa nasabing sworn statement na ang mga negatibong pahayag ni Menorca ay pawang paninirang-puri lamang.
Giit pa ng SCAN members, kusa nilang ginawa ang pagsasampa ng kaso upang malinis ang kanilang pangalan laban sa mga paratang ni Menorca.
(Agila Probinsya Correspondents Jake Monteclaro, Marden Gomez)