(Eagle News) — Magsasagawa ang Department of Trade and Industry (DTI) ng “Diskwento Caravan” sa Leyte.
Inanunsyo kahapon ng DTI-Leyte field office na ang Diskwento Caravan back-to-school edition, , kung saan ang mga pangunahing school supplies ay mabibili lamang sa mababang presyo, ay magsisimula sa Mayo 23 at tatagal naman hanggang Mayo 25.
Kabilang sa mga produktong maaaring bilhin sa nasabing caravan ay mga gamit sa eskwela, uniporme, sapatos, pagkain, bags at iba pang mga kagamitan na maaring makatulong sa paghahanda ng mga estudyante para sa nalalapit na pasukan.
Ang mga kompanyang lalahok sa aktibidad ay magbibigay ng mula 10 hanggang 50 porsyentong diskwento sa mga school supplies, bags, uniporme, at iba pa.
“Ang diskwento caravan ay naglalayon na mabigyan ang mga mamimili ng magaganda at de kalidad na mga produkto sa murang halaga,” pahayag ni DTI Leyte provincial director Desiderio Belas.
Samantala, sa pamamagitan ng Comprehensive Livelihood Entrepreneurship Program ni Tacloban City Mayor Cristina Romualdez, maaring makatanggap ang mga mamimili ng libreng gupit at masahe sa bawat pagbili ng produkto sa Diskwento Caravan.
Magsasagawa rin ang DTI ng consumer information drive upang turuan ang mga mamimili tungkol sa kanilang mga karapatan at proteksyon bilang mga konsyumer. Jodi Bustos