Ni Ghadzs Rodelas
Eagle News Service
Mabini, Batangas — Pinayagan na muli ng gobyerno ng Mabini ang mga diving activities sa lugar, ilang araw matapos nitong ipagbawal ito dahil sa pangambang maulit ang “earthquake swarm” sa probinsiya nitong katapusan ng linggo.
“..Ang aming ipinaabot sa inyo…na (sa) ating tourist destination ay ganap ko na pong pinabalik yung ating diving activity,” sabi ni Mabini Mayor Noel Luistro nitong Martes, ika-11 ng Abril.
Ayon sa kaniya, ang prayoridad sa ngayon ng bayan ay ang mga eskwelahan at ang mga kalsada na naapektuhan ng mga lindol.
Nitong Martes, tinungo rin ni Budget Secretary Benjamin Diokno ang mga bayan ng Tingloy at Mabini upang alamin ang pinsala ng nakaraang mga paglindol dito.
Unang tinungo ng kalihim, kasama ang kinatawan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council at si Batangas Governor Hermilando Mandanas, ang Tingloy.
Umikot ang kalihim sa pantalan, kung saan malaki ang naging pinsala ng “earthquake swarm.”
Sunod namang pinuntahan ng kalihim ang bayan ng Mabini.
Nangako si Diokno na tutulong siya upang magkaroon agad ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga naapektuhan ng mga lindol.