KUMPIYANSA ang Department of Energy (DOE) at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na walang magiging aberya o brownout sa panahon ng eleksyon.
Paniniyak ni director Efren Balaoing ng DOE Luzon field office, na may sapat na suplay ng kuryente sa buong Luzon lalo na sa darating na eleksyon.
Sang-ayon naman kay Engr. Benjamin Saraza ng NFCP North Luzon, batay sa kanilang contingency at preparedness plan ay hindi sila mag-iiskedyul ng mga maintenance shutdown dalawang linggo bago ang eleksyon at isang linggo matapos ang eleksyon.
Ayon pa kay Saraza, nakaalerto na rin ang kanilang mga tauhan na magbibigay ng assistance upang matiyak ang maayos na daloy ng kuryente.
Samantala, inanunsyo ng NGCP na magkakaroon ng power interruption sa April 16, araw ng Sabado sa mga sinusuplayan ng LUELCO Bacnotan, La Union. Ang dahilan ng power interruption ay ang pagpapalit ng mga lumang poste sa nasabing lalawigan.
Gayundin sa mga nasasakupan ng ISECO, Narvacan at ISECO, Candon sub-station ng Ilocos Sur at maging ang buong probinsya ng Abra dahil umano sa ikokondisyon nilang 50 mbp transformer.
(Eagle News La Union Correspondent , Joshua Guerrero)