MANILA, Philippines (Eagle News) — Determinado ang Department of Energy (DOE) na makumpleto ang paglulunsad sa natitirang 2,800 electric tricycles o e-trikes sa Hunyo.
Ayon kay Energy Assistant Secretary Bodie Pulido, natukoy na ng DOE ang mga prayoridad na lugar kung saan idedeploy ang mga nasabing natitirang units ng e-trike na nananatili sa mga warehouse.
Kabilang aniya sa mga prayoridad na lugar ay ang National Capital Region (NCR), Regions 4A at 4B.
Bukod sa mga nasabing rehiyon, ilulunsad din ng ahensya ang mga e-trike sa mga tourist hotspot sa bansa at sa mga lugar na tinamaan ng mga kalamidad sa nakalipas na tatlong taon gaya ng Marawi City at Leyte.
Nitong Enero, 200 e-trike units ang ipinagkaloob sa lokal na pamahalaan ng Marawi City bilang bahagi ng ginagawang hakbang ng gobyerno para muling maibangon ang nasabing lungsod.